Kabilang sa naghain ng petition for prohibition at certiorari ang grupo ni UP professor Randy David, Rep. Lorenzo Tañada III, Atty. Harry Roque at iba pang lawyers group.
Binigyang-diin ng mga petitioners na dapat pagbawalan si Pangulong Arroyo, AFP chief of staff Gen. Generoso Senga, Defense Sec. Avelino Cruz Jr. at PNP chief Arturo Lomibao sa pagpapatupad ng Proclamation 1017.
Hiniling din ng grupo sa High Tribunal ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) para maharang ang pagpapatupad ng ilegal umanong direktiba ng Pangulo.
Iginiit naman ng Alternative Law Group sa SC na dapat ipawalang-bisa ang nasabing proklamasyon ni PGMA dahil malinaw na nilalabag nito ang ating Saligang Batas.
Samantala, 51-katao kabilang ang ilang militanteng Partylist representatives ang sinampahan ng kaso ng Department of Justice kaugnay sa pagpapabagsak sa Arroyo government.
Ang mga kongresista ay sina Bayan-Muna Partylist Rep. Teddy Casino at Satur Ocampo, Gabriela Partylist Rep. Liza Maza at Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano.
Bukod sa mga kongresista, kabilang din sa kinasuhan sina dating Sen. Gringo Honasan, CPP-NPA founder Jose Maria Sison, NDF chairman Luis Jalandoni at CPP-NPA Spokesman Gregorio Rosal.
Pinag-aaralan naman ni Justice Sec. Raul Gonzales ang pagsasampa ng kaso kina dating Tarlac Rep. Jose Cojuangco Jr. at Pastor Boy Saycon ng COPA na isinangkot sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
Sinabi ni Sec. Gonzales, nangangalap pa sila ng mga ebidensiya laban sa posibleng kasong isampa sa mga ito matapos malathala sa Time Magazin na nagpulong ang mga ito noong Huwebes para planuhin ang pagpapatalsik kay PGMA.
Siniguro naman ni PNP chief Arturo Lomibao na papanagutin nila si San Juan Mayor JV Ejercito sa sandaling mapatunayan na ito ang nagkalat ng disimpormasyon na nagbunsod sa pag-aaklas ng mga miyembro ng Philippine Marines kamakalawa ng gabi sa Fort Bonifacio.