Ayon kay CIDG director Jesus Versoza, inaresto ng kanyang mga tauhan si Rep. Virador kahapon sa Davao City sa bisa ng General Order #5 sa ilalim ng Presidential Proclamation 1017.
Ang GO #5 ay nagbibigay ng kapangyarihan sa pulisya na magsagawa ng warrantless arrest habang ang bansa ay nasa ilalim ng State of National Emergency.
"Rebellion is a continuing charge. He can be arrested anytime," paliwanag pa ni Supt. Benjamin delos Santos, PNP-CIDG legal chief.
Si Virador ang ikatlong personalidad na inaresto ng PNP-CIDG. Noong Sabado ay inaresto ng CIDG si Anakpawis Partylist Rep. Crispin Beltran at Retired Gen. Ramon Montano.
Samantala, nagbabala naman si House Minority Leader Francis Escudero na sasampahan nila ng kaso ang mga umaresto kay Rep. Beltran.
Pinalaya na si Retired Gen. Ramon Montano matapos ang tatlong araw na detensyon nito sa Camp Crame makaraang isangkot sa sedisyon laban sa Arroyo administration.
Inirekomenda ng Quezon City Prosecutors Office ang pagpapalaya kay Montano matapos ang inquest proceedings dito habang nanatili naman sa detensyon si Partylist Rep. Beltran kahit naglagak na ito ng P12,000 piyansa dahil sa panibagong kaso na isinampa dito ng DOJ. (Joy Cantos/Malou Escudero)