Ayon kay Supt. Benjamin delos Santos ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group Legal Division, kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Beltran habang si Montaño ay naka-confine sa PNP General Hospital dahil sa high blood pressure dala ng sobrang tensiyon sa insidente.
Inirekomenda na ng QC Prosecutors Office ang pagpapalaya sa dalawa pero ang release order ay ngayong araw pa aaprubahan.
Pinalalaya naman ang inaresto ring si dating Deputy Director Rex Piad dahil sa kakulangan ng ebidensiya subalit tumangging lumisan dahil babantayan umano niya sa ospital si Montaño.
"They realized that they have nothing against me so they told me thank you for heeding our invitation and youre free to go," ani Piad.
Sina Beltran at Montaño ay kinasuhan dahilan umano sa seditious statements ng mga ito noong Pebrero 24 matapos na masilat ang umanoy planong kudeta.
Nabatid na sa kasagsagan ng selebrasyon ng People Power 1 sa Edsa shrine ay nanawagan si Beltran sa pagbibitiw ni Arroyo habang nagpadala naman ng parehong pahayag sa pamamagitan ng text message sa isang TV network si Montaño. (Joy Cantos)