Ipinaalala ng PDSP at AkSa na base sa kinahinatnan ng dalawang naunang People Power, ang pagbabago na pinangunahan ng mga pulitiko ay nagbubunga lamang ng pagpapalit ng liderato ng bansa ngunit hindi ng mga pagbabagong nais ng mga mas nakararami.
Anila, kapag pinangunahan naman ng mga sundalo ay mauuwi ang pagbabago sa military rule kaya mahalaga umanong manggagaling sa malawak at organisadong kilusan ng sambayanan na may ugnayan sa iba pang mahalagang puwersa ng lipunan ang pagtutulak ng pagbabago.
Nananawagan ang grupo sa pamahalaan na dapat na umanong simulan ang pagtataguyod ng mga tunay na pagbabago, lalo na yung tutugon sa kahirapan at katiwalian sa gobyerno, upang masolusyunan na ang tumatagal na krisis sa bansa. Umapela rin ang dalawang grupo sa pamahalaan na gumawa ng hakbang upang maalis sa isip ng tao na ang Proclamation 1017 ay pag-alis na demokratikong paraan at alisin ang kalayaan na ipinaglaban noong Edsa People Power I. (Doris Franche)