Ayon kay AFP Chief Gen. Generoso Senga, madaling-araw nitong Biyernes nang ipag-utos niya ang pagsibak, pagsailalim sa restrictive custody at imbestigasyon laban kay Brig. Gen. Danilo Lim, commander ng First Scout Ranger Company ng Phil. Army na nakabase sa San Miguel, Bulacan.
May plano umano si Lim na lumahok sa anti-GMA street protests kahapon sa pagdiriwang ng People Power 1 sa Edsa monument upang hikayatin siyang mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Arroyo.
Inihayag din ni PNP chief Director General Arturo Lomibao ang pagsipa sa puwesto kay Chief Supt. Marcelino Franco, hepe ng Special Action Force (SAF) ng PNP na nakabase sa Taguig City at ipinalit naman dito si Chief Supt. Silverio Alarcio buhat sa PNP Directorate for Operations.
Taliwas sa unang napaulat, nilinaw ni AFP-Civil Relations Service (CRS) Chief Brig. Gen. Jaime Buenaflor na si Col. Ariel Querubin, pinuno ng 1st Marine Brigade na nakabase sa Marawi City ay hindi kabilang sa mga coup plotters at nananatiling nasa Chain of Command ng AFP.
Kahapon ng madaling-araw ay pumutok ang balitang kasama ni Lim sa mga coup plotters si Querubin pero binawi ng mga opisyal ng AFP ang una nilang pahayag na sinibak ito. Nadawit lang ang pangalan nito dahil dati nang magkasama ang dalawa sa Young Officers Union (YOU) na naglunsad ng coup detat sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
"Field commanders from the AFPs unified commands and major services expressed their solid support behind the commander-in-chief, the chain of command, and the Constitution," pahayag ni Buenaflor.
"Soldiers on the other hand were told to insulate themselves from any political activity and maintain adherence to the Constitution and the rule of law," giit pa ng opisyal.
Isiniwalat pa ni Senga na si Lim at iba pang misguided elements sa AFP ay may planong maki-rally sa ika-20 taong EDSA anniversary para hikayatin ang liderato ng AFP na bumaligtad na ng suporta kay Pangulong Arroyo.
Bunga rin ng insidente ay naghihigpit ng seguridad sa Camp Aguinaldo, Camp Crame, Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Makati City, at iba pang kampo ng military.
Samantala, libong sundalo naman na pawang naka-full battle gear ang ipinakalat sa buong bisinidad ng Camp Aguinaldo. (Joy Cantos)