Warrantless arrest, media takeover

Inihayag naman ni Justice Sec. Raul Gonzalez na puwedeng maging opsiyon ng Pangulo ang pagpapatupad ng warrantless arrests at media takeover kung hihingin ng pagkakataon sa ilalim ng ipinatutupad na state of national emergency.

Iiral ang warrantless arrest kung may ginagawang rebelyon o tangkang pag-agaw sa kapangyarihan. Maaari ring magpatupad ng media takeover kung ang himpilan ng radyo at telebisyon at maging ang print media ay nagagamit ng mga kaaway ng gobyerno para manawagan sa pagbuwag nito.

Nanawagan si Arroyo sa media na iulat ang mga pangyayari sang-ayon sa tungkulin sa bayan at huwag palampasin ang mga nakakasama at maling balita.

Ayon naman sa National Telecommunication Commission (NTC), may kapanyarihan ito na suspindihin ang pagsasahimpapawid ng isang himpilan ng radyo o TV kung nagkasala ito alinsunod sa naideklarang state of emergency ni Pangulong Arroyo.

Ayon kay NTC Commissioner Ronald Solis, maaari silang magsuspinde ng airing ng isang network kung ito ay nagpapahayag sa publiko nang hindi na naaakma sa batas ng pamahalaan.

"Kung sila ay nag-e-air na may kinalaman sa sedition o rebellion na lubhang nakakaengganyo na sa mga tao para mag-aklas laban sa gobyerno, may kapangyarihan kami para patigilin ang airing ng isang TV o radyo," pahayag ni Solis. (May ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments