Ito ang nakakaalarmang babala na isiniwalat kahapon ng isang nagpakilala sa pangalang Capt. Batingaw ng Phil. Air Force matapos itong magpa-interbyu sa isang radio station.
Ginawa ni Batingaw ang pahayag sa gitna naman ng ipinagmalaki kahapon ni Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr., na nasilat ang coup plot matapos magsiatras ang14 opisyal at 200 enlisted personnel ng AFP na narecruit ng Magdalo dahil umano sa nadiskubreng alyansa sa pagitan ng mga Oakwood mutineer at New Peoples Army (NPA) sa ilalim ng Oplan Hackle o ang planong patalsikin sa puwesto si Pangulong Arroyo.
"The coup will happen in a split second, quietly and swiftly, yan (coup)," ani Batingaw.
Binigyang diin pa ni Batingaw na ang kanilang grupo ay mula sa Magdiwang faction ng Young Officers Union of the New Generation (YOUNG).
"We have to be loyal to the Filipino not to a single president, that we see is doing nothing at all," ani Batingaw.
Bilang reaksiyon, sinabi naman ni PAF spokesman Lt. Col. Restituto Padilla na isang oportunista si Batingaw dahil wala ito sa roster o talaan ng kanilang hukbo. (Joy Cantos)