Sinabi ni Phil. Air Force (PAF) spokesman Lt. Col. Restituto Padilla na umagos muli ang tubig mula sa kalapit na ilog na nagpalambot sa lupa dahilan upang lumubog ang lugar.
Muntik ng malagay sa panganib ang buhay ng 7 Taiwanese rescuers matapos na malubog sa malalim na putik sanhi ng patuloy na malalakas na pag-ulan habang tumutulong sa paghuhukay sa mga biktima ng killer mudslide.
Ayon kay Padilla, kung hindi sa mabilis na pagsaklolo ng rescue team ng Army, PAF at US Marines ay baka napahamak ang naturang Taiwanese rescuers.
Samantala, idinispatsa na ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao ang mga Pilipinong pulis na sinanay pa ng mga Australian forensic experts upang tumulong sa pagkilala sa mga bangkay.
Sinabi ni PNP Crime Laboratory Director Chief Supt. Ernesto Belen na walo sa nasabing mga pulis na mula sa kanyang tanggapan at sinanay sa Disaster Victim Identification (DVI) ng Australian Federal Police sa Canberra ay nagsimula ng mangolekta ng mga fingerprint, DNA (deoxyribonucleic acid) at dental sample ng mga biktima. Ang mga ito ay kasama ng tatlo pang pulis na sinanay naman sa Malaysian forensic expert samantala 18 pa na pawang sinanay rin ng Australian Police ang tutungo rin sa mudslide area sa darating na Biyernes.