Sa isang press conference sa PAGASA, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Estrella Alabastro na ang dating mahinang La Niña na kanilang namamataan ay unti-unti nang lumalakas at maituturing na aktibong mananalasa na ngayon sa ibat ibang sulok ng bansa.
Ayon kay Alabastro, partikular na tatama ito sa mga probinsiya sa hilagang Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon, Bicol, Samar, Leyte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Sur, Agusan del Norte at Davao del Norte.
Sinabi ni PAGASA chief Weather Bureau branch Nathaniel Cruz, posibleng maramdaman na ang walang tigil na pag-ulan sa mga naturang lugar, lalot tatagal ang La Niña sa loob ng apat na buwan o mananalasa hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Sa loob ng isang linggo ay magiging maganda naman aniya ang panahon sa Southern Leyte na isang magandang balita para sa mga rescuers na pilit pa ring hinuhukay ang mga taong na-trap sa gumuhong tone-toneladang putik sa Brgy. Guinsaugon.
Kaugnay nito, inamin ni Dr. Carla Dimalanta na April, 2003 pa ay alam na nila na delikadong lugar ang St. Bernard town sa Southern Leyte.
Nagsagawa umano sila ng pag-aaral sa naturang lugar at nakitaan na nila ito ng mga hindi pangkaraniwang babala.
Hindi naman natukoy ng PAGASA kung ano na ang kanilang ginawa matapos ang pag-aaral na nagresulta ngayon sa malagim na trahedya. (Angie Dela Cruz)