Serbisyo ng PhilHealth patuloy – Duque

Ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad ng pambansang seguro pang-medikal o National Health Insurance Program (NHIP) upang ang kalusugan, maging ang mga mahihirap ay mapangalagaan.

Ipinahayag ito ni Kalihim Francisco T. Duque III ng Kagawaran ng Kalusugan sa paggunita ng ika-11 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Health Insurance Corp. Si Duque ay dating pangulo ng PhilHealth at ngayon ay kasalukuyang pinuno ng board of directors ng PhilHealth.

Sinabi ni Duque na mahigit sa 54 milyong Pilipino na ang kasapi ng PhilHealth, kabilang na ang 20 milyong mahihirap at mahigit na 600,000 mga Pilipino na nasa ibang bansa.

Sa isang report kay Duque, sinabi ni Lorna O. Fajardo, OIC ng PhilHealth, na patuloy na ginagampanan ng PhilHealth ang kanyang mandando ng Kongreso na sakupin sa PhilHealth ang nakakaraming mga mamamayan.

Ang mga overseas Filipino workers o OFWs na kasapi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay kasama na sa PhilHealth at sila at ang kanilang pamilya ay makatatanggap ng benepisyo kahit sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa, ayon kay Fajardo.

"Ito ang kagandahan ng PhilHeajth na patuloy ding tinutulungan ng ating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo lalo na ngayong sumapit na ang ika-11 anibersaryo ng PhilHealth," dugtong pa ni Fajardo.

Nananawagan si Fajardo sa mga hindi pa kasapi ng PhilHealth na magpalista na upang sa kanilang pangangailangang medikal ay mayroong makatulong sa kanila.

"Halos lahat na ng pribado at pang-gobyernong ospital sa buong bansa ay kasama na sa PhilHealth na handang magserbisyo sa mga mamamayang mahirap man o mayaman," sabi ni Fajardo.

Show comments