Sinabi ni AFP Headquarters Service Support Group (HSSG) chief Brig. Gen. Jovenal Narcise, kung magmamatigas ang mga itong manatili sa kanilang mga quarters ay mapipilitan silang gamitan sila ng dahas. Kabilang sa mga retired generals na obligadong umalis na sa kanilang quarters sina dating AFP Southcom chief ret. Lt. Gen. Alberto Braganza, Brig. Gen. Ramon Santos at dating 2nd Infantry Division chief ret. Major Gen. Efren Orbon.
Ikinatwiran ni Narcise na mayroong 60 araw makaraang magretiro ang bawat opisyal ng militar na makapag-impake at lisanin ang mura subalit malaking bahay sa loob ng kampo. Matagal na anyang binigyan ng palugit ang mga retiradong heneral subalit hindi pa rin nagsisialis. Sina Braganza at Santos ay nagretiro noon pang Setyembre 2005 habang noong Disyembre naman si Orbon.
Itinakda ngayong umaga ang "eviction" at uunahin ang tahanan ni Braganza na paparadahan ng 6x6 truck. Magkakaroon muna ng pakikipag-usap, subalit kung magmamatigas ay bibitbitin na ang mga kagamitan palabas ng bahay. Magugunita na iniaangal ng mga nagrebeldeng sundalo ang pagpapasarap ng mga retired generals sa mga quarters at hindi na nabibigyan ng pagkakataon ang mga mas mababang opisyal sa parehong pribilehiyo.