Ipinatawag kahapon sina Charo Santos-Concio, executive vice president at head ng Entertainment Group; Malou Almadel, production manager; Rene Luspo, chief security at Wowowee host Willie Revillame upang alamin kung may kapabayaan sa kanilang panig kaya nangyari ang trahedya.
Sa ginanap na presscon kahapon na pinamunuan ni DILG Undersecretary for peace and order Marius Corpus, lumilitaw na nabigo umano ang security ng ABS-CBN na magbigay ng kaukulang seguridad gayong inaasahan pala umano nila na dadagsa ang mga may 25,000 katao bagamat 10,000 katao lamang ang kapasidad ng Ultra.
Ayon kay Luspo, kasama sa orihinal nilang plano ang paggamit sa isang open space sa Capitol compound na katapat lamang ng Ultra para gamitin ng mga taong darating sa lugar bago pa man sumapit ang Sabado.
Subalit hindi aniya sila napagbigyan at sa halip ay pinayagan lamang sila ng Pasig City hall na gamitin ang nasabing lugar para gawing paradahan ng mga sasakyan.
Inamin pa ni Luspo na pababa at hindi pantay ang daan sa entrance papasok sa football field dahil ito ay itinayo para daanan ng sasakyan at hindi ng tao.
Sa ginanap na ocular inspection ng Task Force Ultra, sinabi ng mga opisyal ng Ultra na ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginamit ang nasabing entrance para daanan ng tao.
Ayon naman kay Luspo, ito ang dahilan kung kaya sila naglagay ng isang barricade.
Ipinahayag pa niya na maaaring ang naging dahilan ng stampede ay ang pagpupumilit ng mga taong hindi nakapila na makapasok. Naging mabilis anya ang pangyayari kaya hindi na nila napigilan ang sitwasyon.
Ayon naman sa komite, dapat naglagay ng pila para sa mga matatanda ang pamunuan at nag-announce na priority ang mga matatanda. Subalit wala anyang announcement na ginawa ang pamunuan. Karamihan sa mga namatay ay matatandang babae.
Hindi rin umano nagawa ni Luspo na magkaroon ng koordinasyon sa MMDA at Pasig police nang makipagpulong ito noong Biyernes ng gabi sa mga tauhan ng Ultra. Inamin naman ni Luspo na sa tatlong pulong na isinagawa nila kasama ang security ng Ultra, hindi naimbitahan ang mga kinatawan mula sa PNP at MMDA.
Malaking palaisipan sa komite kung bakit hindi iminungkahi ni Luspo sa pamunuan ng ABS-CBN na palitan ang venue samantalang mas malaki ang bilang ng tao na kanilang inaasahang dadagsa.
Sinabi ni Corpus na ang DOJ pa rin ang siyang sisiyasat kung sino ang may kasalanan sa naganap na trahedya. Inaalam lamang nila ang naging partisipasyon ng ABS-CBN, PNP, MMDA at local officials.