Sa paunang report, sinabi ni Pasig Police chief, Sr. Supt. Raul Medina, dakong alas-6:45 ng umaga ng magsimula nang papasukin ng mga security guard sa LRT gate ng Ultra stadium ang mga nakapilang tao na karamihan ay matatandang babae, para sa naturang programa ni Willie Revillame.
Dahil sa kagustuhang mauna sa pilahan ang karamihan ay nagsimulang magtulakan ang mga ito habang ang iba ay umakyat na sa waiting shed na naging dahilan para magiba ang gate at bumigay ang bubong ng waiting shed.
Sa taranta ng mga tao ay nagtakbuhan ang mga ito kaya nadapa ang karamihan at natapakan na agad ikinamatay ng marami.
Isa rin sa tinitingnang anggulo ng pulisya na maaaring pinagsimulan ng stampede ay ng may sumigaw umanong "bomba" kaya nagpanik at nagtakbuhan ang mga tao.
Mayroon naman umanong guwardiya na nagsabing 17,000 lang ang papapasukin na naging dahilan para mag-react umano ang crowd.
Umabot sa 66 ang idineklarang dead-on-the spot ng mga rumispondeng doktor at pulisya kung saan 63 sa mga ito ay babae na pawang matatanda. Samantala sa Rizal Medical Center na namatay ang iba matapos isugod dito kasama ang iba pang sugatan.
Ilan sa mga nasawi ay kinilalang sina Jualiana Elaine Bok, 4-anyos; Susan Droboteio, Belen Conia, Yolanda Lubico, Evelyn Gultan, Jovita Villanueva, Alicia Villanueva, Arsenia Nerrera, Rosalie Salazar, Catalino Gozo, Emy Garcia, Virginia Conia, Aurora Soriano, Trinidad Campalejo, Herna Tadeo, Cristina Casil, Edna Gonzales at Rizza delos Santos.
Napag-alaman na Lunes pa lamang ay may mga matiyaga nang nakapila sa gate ng Ultra para makibahagi sa pagdiriwang ng Wowowee show sa pagbabakasakaling manalo sa programa.
Umaabot umano sa 20,000 katao ang gustong makapasok sa loob ng arena kung saan ang capacity crowd ay nasa 8,000 katao lamang, itoy dahil sa dami ng mga papremyong ipamimigay ng naturang show kabilang ang dalawang tig-P1 milyon, 2 bahay at lupa, 20 traysikel, 2 taxi bukod pa ang mga pangkabuhayan showcase at awtomatikong P5,000 na matatanggap ng mapipiling contestant ng game show.
Agad namang nagpadala ng mga sasakyan ang MMDA para ihatid ang mga na-stranded na mga tao pauwi sa mga lalawigan ng Laguna, Pangasinan, Tarlac, Batangas, Quezon at Mindoro.
Naihatid din ang mga tao patungo sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila sa tulong ng iba pang govt officials at pribadong indibidwal na nagpadala ng mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay sa mga taong nagtungo sa Ultra habang namigay ng pamasahe ang ABS-CBN.
Nakalagak ang labi ng mga nasawi sa Arlington Funeral sa Pasig at Araneta Ave., QC.
Kinansela rin ng ABS-CBN ang anniversary presentation ng naturang show kahapon at wala pang announcement kung kailan ito gagawin. Gayundin, postpone rin ang launching ngayong araw ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition.
Lubos na ikinalungkot ng pamunuan ang hindi inaasahang pangyayari at ipinaabot ng ABS-CBN ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at nasaktan.
Ngayong umaga ay magsasama-sama ang Kapamilyang artista sa produksiyon para sa isang misa bilang alay sa mga nabiktima sa pangyayaring ito.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid ang pinagmulan ng stampede kasabay ng utos ni Pangulong Arroyo na siyasatin ang naganap na trahedya at agad magpalabas ng resulta sa loob ng 72 oras.
Agad nagtungo ang Pangulo sa Rizal Medical Center kung saan 236 katao ang isinugod dito, para alamin ang kalagayan ng mga pasyente at makiramay sa pamilya ng mga biktima. (May ulat ni Lilia Tolentino)