Sa inihaing reply ng mga petitioners na pinangungunahan ng Senado at ng ilang grupo tulad ng Bayan Muna at PDP Laban, sinabi ng mga ito na maituturing pa rin na umabuso si Pangulong Arroyo ng agad nitong ipatupad ang EO 464.
Ipinaliwanag ng mga petitioners na nilikha at ipinatupad ang EO 464 noong Setyembre 28, 2005, ang araw na nakatakda ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa "Gloriagate" wiretapping scandal.
Nilalabag din umano ng nasabing kautusan ang Article 150 ng Revised Penal Code kung saan sa ilalim nito ay pinarurusahan ang sinumang nagbabawal na padaluhin ang isang witness.
Iginiit pa rin ng mga petitioners na kasama sila sa mga legal na partido para kuwestiyunin ang EO 464. (Grace dela Cruz)