Sa desisyon ni presiding Judge Rosanna Romeo-Maglaya ng branch 88, hindi maaaring pagbigyan na makapagpiyansa si Soliman dahil hindi pa naman under custody o boluntaryo itong sumusuko sa korte kaya walang dahilan para ito ay pagpiyansahin.
Si Soliman ay kasalukuyang nasa Cambodia at takdang dumating ngayong gabi.
Nag-ugat ang kaso ng sabihin ni Soliman sa isang press conference noon na kanyang narinig na kausap ni Pangulong Arroyo si Marcoleta at humihiling dito na iendorso nito ang impeachment complaint na isinampa ni Atty. Oliver Lozano. Pinapalabas umano ni Soliman na ang pag-endorso ni Marcoleta sa impeachment complaint ay may basbas ng Pangulo at bahagi ng usapan para pahinain ang kaso.
Nagsampa ng mosyon sa korte si Soliman para payagan siyang makapag-bail makaraang mag-isyu ng warrant of arrest laban dito ang korte.
Samantala, nakiusap naman si Presidential Chief of Staff Mike Defensor na huwag gipitin si Soliman at bigyan ng konsiderasyon bilang dating miyembro ng Gabinete ni Arroyo. Masyado anyang marahas kung agad huhulihin si Soliman. Hindi rin anya dapat itratong kriminal ang dating kalihim. (Angie dela Cruz/Lilia Tolentino)