Ito ang inihayag ni Army Chief Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr. kaugnay ng puspusang operasyon para maibalik sa kanilang selda sina Capt. Nathaniel Rabonza, 1st Lieutenants Lawrence San Juan,Patricio Bumidang Jr. at Sonny Sarmiento.
Sinabi ni Esperon na may mga intelligence report na silang natatanggap sa pinagtataguan ng mga puganteng mutineers kaya tiwala siyang malapit na ang mga itong mabitag.
Muli ring umapela si Esperon kina Rabonza na magsisuko na upang hindi madagdagan ang kanilang kasong kriminal.
Kaugnay nito, nanawagan naman ng pagkakaisa sa Chain of Command si AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga sa mga commanders ng militar sa gitna na rin ng maugong na balitang may plano umanong maglunsad ng kudeta ang mga dismayadong sundalo.
Sinabi ni Senga na dapat ipokus ng mga opisyal ng AFP ang kanilang konsentrasyon sa kanilang mga trabaho upang magapi ang anumang banta sa pambansang seguridad.
Magugunita na ang nasabing mga mutineers ay tumakas sa kanilang detention sa Custodial Management Unit (CMU) sa Fort Bonifacio noong Enero 17 bunsod upang uminit muli ang isyu ng kudeta. (Joy Cantos)