Trillanes target ng ISAFP

Inutos kahapon ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) chief Brig. Gen. Marlu Quevedo na imbestigahan ang pahayag ni Magdalo leader Lt. Sr. Grade Antonio Trillanes na may basbas ng kanilang grupo ang ginawang pagtakas ng kanyang apat na kasamahan.

Ayon kay Quevedo, kailangan na masiyasat ang pahayag ni Trillanes dahil ito ay maituturing umanong isang pag-amin na alam nila ang planong pagtakas ng kanilang kasamahan.

Hindi rin naman umano dapat naglalabas ng anumang uri ng pahayag si Trillanes lalo pa’t ito ay may kinakaharap na kaso sa court martial.

Matatandaan na sinabi ni Trillanes na may basbas ang ginawang pagpuga nina 1Lts. Sonny Sarmiento, Patricio Bumindang, Lawrence San Juan at Capt. Nathaniel Rabonza na ang dahilan ay pagnanais ng pagbabago sa pamahalaan.

Samantala, pinabulaanan naman ni Army spokesperson Maj. Bartolome Bacarro na nawawala sa PA Intelligence Service Group si 1Lt. Alvin Hebreo, kasunod ng planong paghahain ng writ of habeas corpus sa korte ng abogado nitong si Atty. Ruel Pulido matapos na mabigo itong makausap ang kanyang kliyente.

Kasabay nito, pinag-aaralan na rin ng pamunuan ng PA ang karagdagang kaso na isasampa laban sa apat na tumakas na Magdalo.

Gayunman, nanawagan pa rin si Bacarro sa mga pugante na mas makabubuti pang sumuko na lamang upang hindi na malagay pa sa panganib ang kanilang buhay at lumala pa ang sitwasyon. (Doris Franche)

Show comments