Ito ang inihayag ni Metro Rail Transit Corp. General Manager Roberto Lastimoso sa House Committee on Railways and Roll-on-Roll (Roro) system.
Subalit sinabi ni Lastimoso na hindi naman maaaring magtaas ang MRTC mula sa kasalukuyan nitong singil na P15 sa break-even commercial rates na P72 dahil aayawan ito ng pasahero at mauuwi sa hindi nito pagsakay ng MRT.
Inamin naman ni Lastimoso na dumaranas ang MRT 3 ng income shortfall matapos na umabot lamang ang kanilang buwanang kita sa P13 milyon gayong ang kanilang utang o obligasyon ay umaabot naman sa $3.3 milyon.
Isinisi ni Lastimoso ang malaking lugi na ito sa dollar-peso exchange rate kung saan nang pirmahan ang kontrata noong 1997 ang palitan ay P27 sa isang dolyar.
Sinabi naman ni Atty. Paul Daza ng MRTC sa komite na pinamumunuan ni Misamis Oriental Rep. Augusto Baculio na ang maaaring gawin na lamang ng ahensiya ay mag-adjust ng pasahe na mababa sa P72 break even rates.
Ngunit niliwanag ni Daza na ang naturang increase ay magbabawas lamang sa shortfall na nararanasan ng kumpanya at hindi nito mapupunan lahat ang kakulangan.
Ipinanukala naman ng dalawa ang pagbili o buy-out ng MRT 3 ng national government mula sa MRTC na siyang solusyon para sa problema.
Subalit ang panukala ay isinantabi ng mga mambabatas dahil mangangahulugan ito ng dagdag na gastos o pabigat para sa bansa at sa publiko. (Malou Escudero)