Itoy matapos ma-itsapuwera si House Speaker Jose de Venecia sa meeting nina Arroyo at Ramos sa Malacañang noong Miyerkules ng gabi sa tahanan ng mga Macapagal sa Forbes Park na nagbigay ng indikasyon na may "infightings" sa loob ng partido.
Nag-usap na sina Arroyo at Ramos para ayusin ang gusot kaugnay sa panawagang magbitiw na si Arroyo sa 2007. Si Ramos ang Chairman Emeritus ng Lakas habang President si de Venecia.
Sa pulong ay nanaig ang posisyon ng Malacañang na ipaubaya na sa Kongreso at sa idaraos na plebisito ang pagpapasya sa panukalang kanselahin ang halalan sa 2007 na inirekomenda ng Consultative Commission sa panukalang pagsususog sa Konstitusyon.
Pero kinontra ni House Speaker Jose de Venecia ang panukala ni dating Pangulong Fidel Ramos na putulin ni Arroyo ang kanyang termino sa susunod na taon para bigyang daan ang parliamentary form of government.
Ayon kay de Venecia, hindi niya puwedeng suportahan ang posisyon ni Ramos dahil kailangang tapusin ng Pangulo ang termino nito hanggang 2010. Binanggit ni de Venecia na napagkasunduan na nila ni Arroyo na ilatag ang panukala ni Ramos sa pulong ng lahat ng miyembro ng Lakas-CMD sa Malacañang bukas.
Gayunman, binanggit ni de Venecia na pabor siya sa opinyon ni Ramos na kailangang matuloy ang eleksiyon sa 2007 pero kailangan pa rin umano itong ipaubaya na lamang sa taumbayan sa pamamagitan ng isang plebisito.
Tiwala naman si Ramos na marami sa kapartido ang sumusuporta sa kanyang panukala kahit pa tutol si de Venecia, subalit handa siyang tumiwalag kung hindi ito sasang-ayunan.
Sinabi naman ni Political Adviser Gabriel Claudio na hindi naman nag-away sina Ramos at de Venecia at ang pulong ay para linawin ang ilang isyu kung saan magkaiba ang kanilang posisyon.
Naniniwala naman si Anakpawis Rep. Rafael Mariano na dahil sa paglaki ng bilang ng mga Pilipino na nagnanais mapatalsik sa puwesto si Arroyo at ang desperasyon ng Pangulo na manatili sa kapangyarihan ay lalo pang magpapalala ng kaguluhan sa loob ng partido.