Ito ang inihayag kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga matapos na aprubahan na ni Pangulong Gloria Arroyo ang rigodon sa bahay ng mga opisyal ng AFP.
Sinabi ni Senga na ngayong araw (Enero 11) ay bababa na sa tungkulin si AFP-Southcom Chief Lt. General Edilberto Adan na papalitan naman ni 1st Infantry Division Chief Major Gen. Gabriel Habacon ng Phil. Military Academy (PMA) Class 73. Ang AFP-Southcom ay nakabase sa Zamboanga City.
Susundan ito ng pagreretiro ni AFP Central Command Chief Lt. Gen. Emmanuel Teodosio na nakabase sa Cebu City sa darating na Enero 21 na ang posisyon ay isasalin naman kay Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Samuel Bagasin, mula rin sa PMA Class 73.
Iluluklok naman si Deputy Chief for Intelligence (J2) Rear Admiral Tirso Danga bilang pinuno ng Western Command sa Palawan sa pagreretiro ni Vice Admiral Ruben Domingo sa Pebrero 14. Hindi pa tukoy kung sino ang papalit kay Danga.
Pinangalanan na rin ang magiging kapalit ni Vice Chief of Staff Vice Admiral Ariston delos Reyes na bababa sa puwesto sa Pebrero 16, na si Major Gen. Antonio Romero, kasalukuyang hepe ng AFP Resource Management.
Maluluklok naman bilang Deputy Chief of Staff AFP si Air Force Vice Cmdr. Major Gen. Christie Datu. (Joy Cantos)