60 negosyanteng Intsik ipinadeport ng BI

Pinatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang 60 Chinese na inaresto sa isang shopping mall sa Maynila dahil sa umano’y illegal na pagnenegosyo.

Ayon kay BI Commissioner Alipio Fernandez Jr., nabigo ang mga Intsik na makapag-renew ng kanilang tourist visa simula nang sila ay dumating sa bansa. Bukod sa summary deportation laban sa mga ito ay magmumulta rin sila ng halagang P50,000 bawat isa.

Nabatid na sa 147 Chinese nationals ay 60 lamang sa mga ito ang nadakip ng BI kung saan nagnenegosyo ang mga ito sa Baclaran at sa 168 shopping mall sa Divisoria.

Ang pag-aresto ay bunsod ng maraming reklamo laban sa mga ito dahil sa umano’y garapalang pagtitinda ng retail goods na ipinagbabawal sa kanila.

Idinagdag pa ni Fernandez na hindi rin maaaring gawing lisensiya ng mga dayuhan ang kanilang resident visa sa kanilang pagnenegosyo dahil maaaring kanselahin ito ng BI kung mapapatunayan na sila ay mayroong nilalabag sa Immigration law. (Grace dela Cruz)

Show comments