Sinabi ni Anak-Pawis Partylist Rep. Crispin Beltran, dapat ipasa na ang House bill 00345 o panukalang P125 daily wage increase upang makasabay sa tumataas na gastusin ang sektor ng manggagawa.
Naniniwala ang kongresista, ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa ay unang hakbang para mapalakas ang purchasing power ng mahihirap na Pinoy na nagtitiyaga sa kakarampot na suweldo.
Ayon kay Rep. Beltran, halos kalahating dekada na ang nasabing panukala na unang inihain sa Kamara noong Agosto 1999.
Ipinaalala pa ng mambabatas, ang implementasyon ng Expanded Value Added Tax ay lalong magpapahirap sa taumbayan.
Aniya, mas dapat unahin ng Kamara ang pagpasa sa panukalang dagdagan ang suweldo ng mga manggagawa kaysa bigyang prayoridad ang Charter Change na isinusulong ng mga kakampi ng administrasyon Arroyo. (Malou Rongalerious)