Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, dapat ay bigyan muna ng puwang ng mga kritiko ang gaganaping pagpupulong bago nito husgahan.
Wika pa ni Sec. Ermita, pinal na ang inihanda nilang listahan ni Political Adviser Gabriel Claudio sa mga imbitadong dumalo ng Council of State kabilang dito ang mga dating Pangulo, Senate President, House Speaker, Senate Minority Leader at House Minority Leader, mga miyembro ng Gabinete at piling kinatawan ng pribadong sektor.
Nilinaw din ni dating Pangulong Fidel Ramos sa pulong-balitaan nito kahapon na wala siyang balak na lumipat sa oposisyon matapos siyang makipag-usap kamakailan kina Senate President Franklin Drilon at dating Sen. Vicente Sotto III.
Sinabi ni FVR, umaasa siya na ang muling pagkakaroon ng Council of State ay magiging daan upang magkaroon na tayo ng unified Philippine team.
Samantala, walang balak dumalo sa nasabing Council of State meeting si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. dahil sa pag-aaksaya lamang daw ito ng panahon at gagamitin lamang sila ni Mrs. Arroyo upang maisulong ang plano nitong pananatili sa posisyon.
Nanawagan naman si Anak-Pawis Rep. Rafael Mariano sa hanay ng oposisyon na boykotin ang isasagawang pulong ng Council of State sa darating na Enero 24.
Nadismaya naman si Cebu Rep. Antonio Cuenco sa desisyon ng oposisyon na isnabin ang nasabing pulong na ipinatawag ng Malacañang.
Sinabi ni Rep. Cuenco, layunin naman ng pagpupulong ay hindi upang himukin ang mga kritiko ng Palasyo kundi magkasundo-sundo lamang para lalong lumakas ang ating ekonomiya. (Lilia Tolentino, Rudy Andal at Malou Rongalerios)