Sa ulat ng Department of Health-Epidemic Investigation Unit (DOH-EIU), isinugod kahapon sa San Lazaro Hospital (SLH) bandang alas-4:43 ng umaga ang isang 4-taong gulang na lalaki mula sa Manahan St., Malanday, Marikina City.
Bukod dito, isang 2-taong gulang na batang babae naman mula sa Brgy. Talaba, Bacoor, Cavite, ang namatay noong Disyembre 31, 2005 dakong alas-2 ng hapon sa Laguna Provincial Hospital.
Nasawi din ang isang taong gulang na batang babae mula sa Brgy. Mina De Oro Bongabong Oriental Mindoro matapos na isugod sa Roxas District Hospital noong Disyembre 29, 2005.
Ayon sa DOH, ang naturang mga biktima ay kinakitaan ng mga sintomas ng sakit na meningo tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng lalamunan, pagsusuka at pagkakaroon ng mga pantal o rashes sa kanilang mga katawan ilang araw bago isugod sa ospital ang mga ito.
Sa imbestigasyon ng DOH, ang nasawi mula sa Mindoro ay nagtungo sa Boracay bago sumapit ang Disyembre 25 kayat patuloy na inaalam kung sino ang huling nakahalubilo nito.
Kaagad namang binigyan ng gamot na prophylaxis ang mga kamag-anak na nakahalubilo ng mga biktima upang hindi na mahawa pa ang mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)