Ito ay matapos payagan ng Sandiganbayan Special Division si Erap na palawigin pa ang kanyang New Years pass ng hanggang alas-7 ng umaga ng Enero 2.
Matatandaang pinayagan ng anti-graft court si Estrada na makapag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon sa bahay ng kanyang inang si Doña Mary Ejercito.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na payagan ng Sandiganbayan si Erap na manatili ng Pasko at Bagong Taon sa bahay nila sa San Juan simula nang makulong ito sa Tanay noong 2000 dahil sa kasong plunder.
Umalis si Estrada mula sa bahay ng kanyang ina sa #82 Kennedy St., Barangay North Greenhills, San Juan bandang alas-10:16 ng umaga kahapon matapos dumating noong Disyembre 31, 2005.
Nabinbin sandali ang pagbabalik ni Estrada sa Tanay ng alas-7 ng umaga matapos na ma-delay ang transportasyon ng dating Pangulo dahil kailangan pang siguruhin ng pulisya ang dadaanan ng convoy. Hindi na dumaan ang convoy sa Ortigas Gate sa North Greenhills at sa halip ay dumaan na lamang ang mga ito sa Boni Serrano Ave. patungong Marikina.
Kabilang sa mga dumalaw sa dating pinuno ng bansa noong New Years day ay sina Susan Roces, dating senador Ernesto Maceda, Atty. Jose Flaminiano at dating senador Francisco Tatad. (Malou Rongalerios)