Pararangalan ng kanyang mga dating kasamang pulis, kasalukuyang opisyal ng MPD at iba pang nakasama sa police beat si Barbers.
Kabilang sa magbibigay ng pahayag para sa yumaong senador ang kanyang tiyuhin na si ret. Brig. Gen. James Barbers na siyang naging inspirasyon at humikayat kay Barbers na maging pulis din.
Kasama rin dito sina Sen. Alfredo Lim na pinagsilbihan noon ni Barbers bilang hepe ng Manila Police Department, editor na si Robert Roque na nakasama ni Barbers ng reporter pa lang ito, C/Supt. Pedro Bulaong at iba pang retiradong pulis.
Darating ang labi ni Barbers buhat sa Surigao del Norte dakong alas-3 ng hapon at magtatagal ng isang buong araw sa lobby ng MPD bago ilipat naman sa Senado kung saan isang necrological service ang ipagkakaloob dito bukas.
Naging makulay ang buhay-pulis ni Barbers lalo na nang maaresto nito ang druglord na si Don Pepe Oyson at malansag ang kilabot na Pandato hold-up gang.
Nanalong congressman si Barbers sa Surigao bago ito naitalaga ni dating Pangulong Ramos na kalihim ng DILG hanggang sa maging senador mula 1998-2004. (Danilo Garcia/Rudy Andal)