Sa datos ng Department of Health (DOH), kumpara sa 585 na biktima noong 2004, umakyat ito ngayon sa 610 sa pagtiklop ng taong 2005. Kabilang dito ang 582 biktima sa paggamit ng paputok, 19 ligaw na bala at siyam sa watusi.
Sinabi ni Health Sec. Franciso Duque III na hindi naman maituturing na "failure" ang dalawang pagkamatay sa watusi dahil hindi na maituturing na mga bata ang mga biktima.
Sa naturang datos din, lumalabas na pinakamarami ang nabiktima sa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 381 biktima; Region 1, 124; Region 4, 22 at Region 3, 30.
Sinabi rin ni Duque na may mga bagong paputok rin na irerekomenda sila sa Philippine National Police na ipagbawal sa pagsalubong naman sa taong 2007 tulad ng tinatawag na "boga" at "trumpillo".
Ang boga ay mistulang baril na gawa sa PVC pipe na binabalahan ng alcohol para sumabog habang ang trumpillo naman ay mahinang klase ng paputok na mistulang posporo ngunit nakakasugat din kapag ginamit ng mga batang maliliit.