Ayon sa position paper ng mga empleyado, si Mantaring ang may pinakamataas na karanasan sa pagtatrabaho sa NBI at inaasahang magiging maayos ang pagpapatakbo nito kung ito ang hihirangin at hindi mga taga-labas na nagnanais masungkit ang posisyon.
Kasalukuyan umanong may mababang morale ang ilan sa mga career official ng ahensiya dahil sa paghirang ng mga taga-labas bilang pinuno. Kung maibabalik umano ang posisyon sa isang career official, tiyak anyang magpupursige ang ibang opisyal na pagbutihin ang trabaho upang maging karapat-dapat din sa posisyon sa ibang panahon.
Ayon sa source, sobra na ang pulitika sa loob ng ahensiya at hindi na nila kaya na patakbuhin pa ito ng isang "outsider". Nangangamba rin umano ang mga ahente na matatagurian ng "Palace political tool" ang ahensiya kung isa na namang outsider ang mapipili ng Pangulo. Hindi rin umano patas kung isang outsider ang mahihirang lalo na at hindi ito abogado o isang CPA (certified public accountant) sa isang ahensiya na pawang mga nagpakadalubhasa sa law at accounting bago nag-umpisa sa pinakamababang posisyon bilang agent.
Nakakabilib din umano ang track record ni Mantaring na nagsimulang manungkulan sa NBI bilang clerk noong 1968. Habang nagtatrabaho siya sa araw ay nag-aaral naman siya ng abogasya sa gabi hanggang makamit niya ang kanyang Law degree taong 1972 at pumasa sa Bar exams noong sumunod na taon.
Haggang sa ma-appoint ito bilang Deputy Director for Comptroller Services taong 2001, Deputy Director for Administrative Services taong 2002 at noong 2003 ay Deputy Director for Special Investigation at na-promote noong 2004 sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa NBI bilang assistant director. Simula naman ng magkasakit at pumanaw si Director Reynaldo Wycoco ay na-designate siya ni Pangulong Arroyo bilang OIC sa NBI.
Kamakailan ay inirekomenda rin ng Department of Justice si Mantaring kay Pangulong Arroyo para sa pagka-NBI director. Sinabi ni DOJ Sec. Raul Gonzales na sang-ayon siya sa ginagawang pagsusulong ng mga empleyado at opisyal ng NBI kay Mantaring para sa nasabing posisyon. (Danilo Garcia)