Sinabi ni PTA General Manager Robert Dean Barbers, posible rin umanong umakyat pa sa P20 bilyon ang kanilang kitain dahil sa pagpasok ng mga turista buhat sa Europa. Pinakamataas pa rin ang bilang ng mga turistang Chinese ngunit malakas din ang pagpasok ng mga Koreans. Patuloy pa rin namang mataas ang pasok ng mga Hapones at Amerikano.
Pangunahing dinadalaw ng mga turista ang ipinagmamalaking mga beach resorts ng Pilipinas na wala sa kanilang mga bansa.
Pinabulaanan naman ni Barbers na nalulugi ang PTA sa mga pag-aari nilang tourist destination.
Sa record ng PTA, buhat sa dating P40 milyon na pagkalugi nang umupo si Barbers, naibaba na ito sa P25,778,700 ngayong taon dahil sa kinitang P17 bilyon. Ito umano ang rason kaya nakapagbigay ng Christmas bonus ang PTA sa higit 1,000 empleyado nitong Oktubre.
Dahil sa naturang kita, naibaba na rin ngayon ng PTA ang tinatanggap na subsidy buhat sa pamahalaan sanhi upang makapaglaan sila ng pondo para sa pagpapaganda pa ng mga imprastraktura at paglikha ng dagdag na trabaho.
Samantala nasa proseso pa ang pagpapasapribado ng ilan nilang pag-aaring tourist destination at resort. Nakatakdang maipasa na ng PTA ang pamamahala sa Tagaytay Picnic Groove sa pamahalaan ng Tagaytay. (Danilo Garcia)