Sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo, kinilala nina Anti-Terrorism Task Force Information and Legal Affairs Chief Atty. Ricardo Blancaflor at AFP-Southcom Chief Lt. Gen. Edilberto Adan ang nasakoteng RSM member na si Mohammad Guiman, alyas Arwin.
Si Arwin ay iniharap sa media kasama ang unang nadakip na lider ng RSM na si Pio de Vera, alyas Ismael de Vera/ Leo Obogne na nasakote naman sa Zamboanga City kamakailan. Si de Vera ay siyang ipinalit sa naunang nabitag na si dating RSM leader Hilarion del Rosario, alyas Ahmad Santos.
Ayon sa mga opisyal, sa isinagawa nilang tactical interrogation ay nabatid na may planong magsagawa ng pambobomba sa idinaos na SEA Games si Arwin partikular na sa venue nito sa Metro Manila kaya hindi kaagad nila inanunsiyo sa layuning baka magpanik ang mga delegado.
Ang RSM ay binubuo ng mga Kristiyanong nagpa-convert sa Muslim na may ugnayan sa mga lokal na teroristang Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah terrorist.
Sinabi naman ni Adan na ang nasabing terorista umano ang siyang nagsu-supply sa Abu Sayyaf ng mga sangkap ng pampasabog na ginamit sa pambobomba sa Superferry 14 sa Manila Bay noong Pebrero 2004 na ikinasawi ng daang katao.
Samantala ang nadakip na suspect ang itinuturong pinagmulan ng bomba na ginamit sa Valentines day bombing sa mga lungsod ng Makati, General Santos at Davao City na ikinasawi ng walo katao.
Lumilitaw pa sa inisyal na imbestigasyon na ang JI terrorist ang nagpopondo sa pagpapasabog ng RSM. (Joy Cantos)