Ang pagkakatalaga kay Panganiban ay inanunsiyo ng Malacañang bunsod na rin ng mga panawagang madaliin ang pagtatalaga ng bagong Punong Hukom.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, mahalaga na pangalanan na ni Pangulong Arroyo ang hahalili kay Davide dahil na rin sa tambak ang mga maseselang kaso sa Korte Suprema na kailangang madesisyunan agad.
Tinukoy ni Drilon ang Executive Order 464 at ang Calibrated Preemptive Response (CPR) na pawang ibinaba ng Pangulo na ayon sa kanya ay nakabinbin pa ang apela sa Korte.
Ang EO 464 ay naglalayong busalan ang bibig ng mga taong-gobyerno para huwag magsalita sa pagdinig ng dalawang kapulungan habang ang CPR naman ay paninikil sa karapatan ng matahimik at payapang protesta sa kalsada.
Ibinaba ang 464 sa kainitan ng pagdinig sa Senado at Kongreso sa akusasyong katiwalian sa administrasyon partikular na ang mga kaanak ng Pangulo kasabay na rin ng pagbaba ng CPR.
Kabilang din sa mga pinagpilian sina Senior Associate Reynato Puno at Justice Leonardo Quisumbing.
Sinabi ni Drilon na maselan ang magiging papel ng Chief Justice dahil na rin sa ibat ibang kaso na may kinalaman sa kinabukasan ng bansa kaya dapat italaga ito ng Pangulo.