Abat reresbak; PNP, DOJ kakasuhan

Nakatakdang magsampa ng kontra-demanda ang grupo ni ret. Gen. Fortunato Abat laban sa mga kagawad ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng umano’y illegal na pag-aresto sa mga ito.

Ayon kay dating ambassador Roy Señeres, hindi lamang mga pulis ang mananagot sa kanila kundi ang DOJ partikular si Justice Sec. Raul Gonzalez.

Sinabi ni Señeres na pinag-aaralan na ng kanilang grupo ang lahat ng legal na hakbang at nakikipag-usap na ang mga ito sa kanilang mga abogado upang maplantsa sa lalong madaling panahon ang kasong posibleng isampa nila sa Office of the Ombudsman.

Matatandaan na inaresto noong Huwebes at kinasuhan ng inciting to sedition kinabukasan sina Abat, Señeres, dating Budget Sec. Salvador Enriquez at Atty. Carlos Serapio sa "kuta" ng mga ito sa Club Filipino dahil sa pagtatatag ng revolutionary transition government.

Gayunman, agad ding nakalaya ang apat matapos magpiyansa. Handa naman ang PNP na harapin ang anumang kaso na isasampa ng grupo ni Abat.

Ayon kay CIDG-NCR Investigation Dvision chief, Insp. Joaquin Alva, hindi na nila ipinagtataka kung tambakan sila ng kaso ng mga abogado ni Abat dahil isa lamang anya itong taktika sa panig ng mga akusado. (Angie dela Cruz)

Show comments