Abat, 3 pa tinuluyan

Pormal nang sinampahan ng kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) si retired Gen. Fortunato Abat at tatlo pang kasamahan nito dahil sa itinatag na transition government.

Gayunman, matapos ang mahigit 24 oras na pagkakakulong ay pinalaya rin kahapon sina Abat matapos maglagak ng tig-P12,000 piyansa. Isinampa ang kaso sa San Juan Metropolitan Trial Court.

Nabatid sa resolusyon ng DOJ sa pangunguna ni Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, isinampa ang kasong inciting to sedition laban kay Abat, dating ambassador Roy Señeres, dating Budget secretary Salvador Enriquez at Atty. Carlo Serapio matapos itayo ang revolutionary transition government at ideklara ang sarili bilang ika-14 Pangulo ng bansa.

Hinikayat din umano ni Abat ang sambayanang Pilipino at ang AFP at PNP na mag-aklas laban sa gobyerno na mga sapat na basehan para isulong ang kaso.

Gayundin ang pahayag umano ni Abat na "Step down PGMA and you have no moral authority to govern the country, hindi na dapat tumagal pa kahit isang segundo ang pamahalaang ito, karumal-dumal na pamahalaan," ang ilan lamang anya sa nagdiin kay Abat sa kasong sedisyon.

Binigyang-diin pa ni Fadullon na hindi kasalanan ang ginawang pagbatikos ng grupo ni Abat sa gobyerno, subalit ang pagsasabi umano nito na bumubuo sila ng transition government ang naging dahilan ng kaso, dahil sa posibleng magdulot ito ng pangamba sa publiko. (Grace Amargo Dela Cruz)

Show comments