3 Christmas wish ni Erap inaprub

Inaasahang magiging masaya ang Pasko ni dating Pangulong Joseph Estrada matapos aprubahan ng Sandiganbayan Special Division ang tatlong Christmas wish nito partikular ang paglabas sa kanyang rest house sa Tanay, Rizal.

Kasama sa mga pinagbigyang kahilingan ni Estrada ang makapunta sa burol ng kanyang kapatid, madalaw ang kanyang inang si Doña Mary sa San Juan Medical Center sa Pasko; at muling makadalaw sa ospital o sa bahay ni Doña Mary sa Bagong Taon.

Sa hearing kahapon, napuna ng korte na nasa "good mood" si Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio dahil hindi ito nag-object sa mga mosyon ni Estrada.

Mamayang alas-7 ng gabi lalabas si Estrada sa kanyang detention cell upang pumunta sa burol ng kanyang kuya na si Antonio Ejercito sa Senctuario de San Jose sa Greenhills, San Juan.

Pero hindi maaaring makadalaw sa kanilang tahanan sa Polk st., Greenhills, San Juan si Estrada matapos makipaglamay kahit na sinigurado ng PNP na kaya nilang pangalagaan ang seguridad ng dating pangulo.

Pagkatapos ng misa sa funeral homes sa ganap na alas-12 ng tanghali bukas, si Estrada ay dadalhin sa San Juan Medical Center upang bisitahin ang kanyang ina na kasalukuyang naka-confine sa nasabing ospital at pagkatapos ay ibabalik sa Tanay, Rizal.

Sa Disyembre 24, mula alas-5 ng hapon hanggang Disyembre 25 ng alas-5 rin ng hapon, si Estrada ay maaaring manatili sa ospital upang madalaw muli ang kanyang ina o pumunta sa bahay nito na nasa Kennedy st., Greenhills, o kung nasaan man naroon si Doña Mary.

Para sa kanyang request na New Year’s pass, lalabas ng kanyang rest house si Estrada sa Disyembre 31 sa alas-5 ng hapon upang muling makapiling ang kanyang ina sa ospital o sa bahay nito sa Kennedy st. at babalik sa Tanay sa Enero 1, 2006, sa alas-5 ng hapon. (Malou Rongalerios)

Show comments