Sa pinagsamang kalatas, sinabi rin nina House Deputy Speaker for Mindanao Gerry Salapuddin at Manila Rep. Ernesto "Banzai" Nieva na kapakanan ng sambayanan ang layunin sa pagpupursige ng mga mambabatas na maipatupad ang pagbabago sa pamahalaan upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan at pantay-pantay na maibigay sa mamamayan ang kaunlaran at kasaganahan.
Ginawa nina Salapuddin at Nieva ang pahayag makaraan ang pagdududang ginawa ng Moodys Investors Service na babagal ang kaunlaran ng bansa sa pagsusulong ng Charter change.
Ayon pa kay Salapuddin, walang basehan ang pahayag ng Moodys dahil kabaligtaran ito sa magaganap sakaling aprubahan ng taumbayan ang pag-amyenda sa Saligang batas.
Aniya, mas lalo pang uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas sa sandaling payagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng negosyo at kalupaan sa bansa.
Sinabi naman ni Nieva na ang pagbuo ng pamahalaan ng isang Constitutional Commission upang pag-aralan kung anong mga probisyon sa Konstitusyon ang dapat baguhin ay isang palatandaan na determinado ang administrasyon na ipatupad ang pagbabago.
Aniya, ang pagreporma sa Saligang Batas ay matatag na sinusuportahan ng mga kongresista dahil nais na nilang mapalitan ang pampulitikang sistemang nakabatay sa maruming pamumulitika.
Hinikayat din ni Nieva ang Moodys at iba pang international credit rating na tigilan muna ang paghuhusga sa pagsusulong ng Cha-cha at sa halip ay magbigay ng mungkahi kung papaano pa mapapalakas ang pagpapatupad dito. (Malou Rongalerios)