Ayon kay Sen. Rodolfo Biazon, chairman ng Senate committee on national defense and security, irerekomenda niya ngayong Lunes na muling buksan ang imbestigasyon ng Senate oversight committee on intelligence sa paggamit ng pondo ng ISAFP.
Sinabi ni Biazon na ipahihiwalay niya sa imbestigasyon ng "Hello Garci" scandal ang isyu ng wiretapping activities ng ISAFP dahil ang oversight committee ang may hurisdiksiyon sa pagbusisi ng spy funds ng pamahalaan.
Patuloy na dumidistansiya ang Palasyo sa isyu ng wiretapping, itoy sa kabila ng panawagan ni Senate President Franklin Drilon na dapat makialam na si Pangulong Arroyo sa pagsisiyasat sa isyu.
Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, hindi na panghihimasukan ng Malacañang ang usaping ito dahil mayroon nang imbestigasyon dito ang Kongreso.
Pinabulaanan din ni Bunye ang paniniwala ng mga kritiko ng Pangulo na kaya ayaw pakialaman ng Pangulo ang pagsisiyasat sa mga miyembro ng ISAFP ay dahil nangangamba siyang baka siya ang buweltahan ng mga ito.
Matatandaan na ibinuking ni Marietta "Mayette" Santos sa defense committee noong Huwebes na 14 miyembro ng Military Intelligence Group-21 ang nagrekord ng usapan nina Pangulong Arroyo at dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Sinabi ni Santos na labas-masok siya sa opisina ng MIG-21 dahil naging kabit siya ni T/Sgt. Vidal Doble at alam din niya kung saan nakapuwesto ang bugging machines na nasa tinatawag na "blue room".
Nagpahayag naman ng paniniwala ang mga senador na may pinapairal na cover-up ang pamahalaan sa nabuking na wiretapping activities ng ISAFP.
Nakapagtataka anila kung bakit hindi man lamang pinaimbestigahan ng Pangulo ang pag-wiretapped ng ISAFP sa usapan nila ni Garcillano.