Black Army ariba na — Imee

Pinangangambahan ng isang lady solon na nalalapit na ang pagdedeklara ng Martial Law sa bansa matapos pakawalan umano ng Malacañang ang Black Army na sinanay upang gumawa ng scenario na nagkakagulo na sa bansa.

Ayon kay Ilocos Norte Rep. Imee Marcos, naniniwala siyang ang Black Army ay mga kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na siyang may kagagawan ng sunud-sunod na pagpapasabog at pamamaril sa Metro Manila kamakalawa.

Sinabi ng kongresista na bahagi ng ‘scripted’ na scenario ang pamamaril sa LTA Building at pagpapasabog sa mga sasakyan sa mga lungsod ng Caloocan, Parañaque at Quezon.

Ayon kay Marcos takot ang Malacañang sa magiging negatibong epekto ng pagharap ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano sa Kongreso kaya gumagawa na ito ng scenario upang maunahan na ang anumang hakbang na maaring gawin ng oposisyon na kapagdaka’y sa kanilang hanay rin ipaparatang para makapagdeklara ng ‘martial rule’.

Nagkamali aniya ang Palasyo sa ginawa nitong pagpapalutang kay Garcillano at ang patuloy na pagsisinungaling nito sa Kongreso ay magreresulta sa pag-aaklas ng taumbayan.

Sinabi pa nito na ang Black Army na pinamumunuan ng mga dating opisyal ng PNP at AFP ay itinatag para sumagupa sakaling mayroong maglunsad ng kudeta at iba pang uri ng pag-aaklas laban kay Pangulong Arroyo upang mabigyang daan ang planong pagdedeklara ng martial rule.

Bilang reaksyon , sinabi naman ni AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga, hindi trabaho ng AFP ang maghasik ng gulo para sindakin ang taumbayan.

Ayon kay Senga sa kasalukuyan ay wala siyang nakikitang dahilan para magdeklara ng martial law ang gobyerno dahilan kontrolado ng AFP ang sitwasyon ng seguridad sa bansa.

Sa Palasyo ng Malacañang , sinabi naman ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na bogus ang grupong "Enlightened Warrior" na nagkukunwaring mga sundalo na inakong sila ang nagpaulan ng bala sa gusali ng LTA sa Makati City na pag-aari ng pamilya ni First Gentleman Arroyo.

"We assure the public that these acts of lawlessness and terrorism will not go unpunished once we unmask those responsible for them", ani Bunye. (Malou Rongalerios, Joy Cantos at Lilia Tolentino)

Show comments