Sinabi ni Zenaida Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), dapat munang ibalik sa P18 ang halaga ng krudo kada litro ng mga oil companies bago sila magbaba ng pasahe sa jeep.
Ayon kay Maranan, kahit iutos ng LTFRB sa kanila na mag-rollback ng pamasahe ay hindi nila ito basta susundin bagkus ay hinamon si LTFRB chair Elena Bautista na asikasuhin nito ang paghuli sa mga colorum na jeep.
Sinabi naman ni Boy Vargas, pangulo ng Alliance of Operators and Drivers Association of the Philippines, hindi sapat ang naging rollback sa presyo ng krudo upang ibaba nila ang pamasahe sa mga pampasaherong sasakyan.
Magugunita na 5 beses nagkaroon ng rollback ang mga oil companies sa presyo ng kanilang produkto.
Samantala, tatanggalan ng plaka ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga taxi na hindi magbibigay ng resibo sa kanilang mga pasahero sa susunod na taon.
Sinabi ni Bautista, ipapatupad nila ang paghuli sa mga taxi na hindi magbibigay ng resibo sa kanilang pasahero sa Enero 2006 kung saan ay pagmumultahin ng P1,500 ang mga ito sa 1st offense at P3,000 sa 2nd offense habang sa pangatlo ay tatanggalan na ito ng plaka. (Angie dela Cruz)