Tinawag na "very knowledgeable" pagdating sa mga usapin sa BoC si Gunigundo ni Federation of Philippine Industries (FPI) president Jess Arranza base sa masusing pag-aaral na isinagawa nang makarating sa kanilang kaalaman ang listahan ng mga contender para mamuno sa kagawaran.
Ayon kay Arranza, personal niyang nasaksihan ang kahusayan ni Gunigundo, partikular sa usapin sa anti-smuggling nang dumalo sa committee hearing ng Trade and Industry na pinamumunuan ni Sen. Mar Roxas ang mga grupo ng negosyante. Si Gunigundo, aniya, ang tumatayong committee counsel ng committee.
Idinagdag din ni Arranza na mas mabuting isang taong mula sa labas ng BoC ang maitalaga sa posisyon upang mabura na ang nakagawiang padrino system na aniyay nagpabagsak sa kagawaran.
Binigyang-diin pa ng opisyal na hindi ang laki ng koleksyon ang dapat na gawing panuntunan sa pagpili ng mamumuno sa BoC kundi ang pagiging disiplinado at istrikto. Kailangan anyang masiguro ng bagong itatalagang commissioner na may kalidad ang mga pumapasok na kargamento at pumasa sa pamantayan na ipinapatupad at ang lahat ng katangiang ito ay nakikita niya na kayang ipatupad ni Gunigundo.
Magkagayunman, ang huling desisyon ay nakasalalay pa rin kay Pangulong Arroyo at handa umano silang irespeto ito. (Gemma Amargo)