Sinabi ni PCG Vice Admiral Arthur Gosingan na magtatalaga sila ng mga diver at rescue team sa Manila Bay at iba pang lugar na pagdarausan ng water sports.
Nabatid na gagawin ang rowing events sa Manila Bay habang isasagawa naman ang iba pang uri ng boat race sa Lamesa Dam mula Nob. 28-Dis.4, 2005.
Dalawang patrol boats din umano ang mag-iikot sa Manila Bay sa opening ceremony ng SEA Games sa Luneta Grandstand sa Nob. 27 bukod pa sa ambulansiya at medical experts buhat sa PCG.
Bukod dito, mas mahigpit ang gagawing pagbabantay ng PCG sa Pasig River sa bisinidad ng Malacañang at sa Pandacan oil depot na pangunahing mga establisimiyento na malaki ang impact kung sasalakayin ng mga terorista.
Matatandaan na matagal nang nakakatanggap ang PCG ng intelligence report ng planong pagsalakay ng mga terorista sa pier ng Maynila sa pamamagitan ng paggamit ng mga bomb divers.
Kahapon ay personal na ininspeksiyon ni Pangulong Arroyo ang Quirino Grandstand na pagdarausan ng opening ceremony ng palaro upang tiyakin ang kaligtasan ng mga atletang kalahok. (Danilo Garcia/Lilia Tolentino)