Sinabi ni Atty. Angelito Magno, executive officer ng National Bureau of Investigation sa NAIA, na-reset sa Disyembre 13, 2005 ang paglabas sa kulungan ni Jimenez matapos umano itong lumabag sa prison rules. Dahil dito sa Disyembre 14 pa ito mapapauwi.
Nakatakda sanang dumating sa Pilipinas si Jimenez sakay ng Korean Air Flight KE 621 mula sa New York via Incheon, Korea batay na rin sa Notice of Deportation na ipinadala ng Amerika.
Napabalitang ang pagbabalik ng dating kongresista ay may kaugnayan sa nakatakda nitong pagsusulong sa kaso na inihain niya laban kay dating Justice Secretary Hernando Perez, na siyang tinutukoy na Million Dollar Man dahil tumanggap daw ito ng $2.0 million "kickback" sa Epira power deal.
Inaasahan naman ng political opposition party na sasanib sa kanilang puwersa si Jimenez laban sa mga katiwalian ng kasalukuyang administrasyon.
Napagsilbihan na ni Jimenez ang halos tatlong taong hatol sa kasong tax evasion at illegal campaign contribution sa kandidatura ni dating US President Bill Clinton kaya wala nang sagabal sa pag-uwi nito sa bansa. (Butch Quejada)