Pinoy patay sa Iraq

Isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Iraq ang nasawi matapos bumaligtad ang minamaneho nitong trak malapit sa boarder ng Kuwait.

Ayon sa report na tinanggap ng Middle East Preparedness Committee chief Roy Cimatu mula sa embahada natin sa Baghdad, ang biktima ay nakilalang si Alexander Mesa Ilocto, 36 anyos ng Valenzuela City.

Sinabi ni Amb. Cimatu, bumaligtad ang minamanehong truck ni Ilocto, isang documented OFW, habang binabagtas nito ang kahabaan ng boarder ng Kuwait at Iraq noong November 18.

Nakikipag-ugnayan naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa employer ni Ilocto para maiuwi ang bangkay nito sa bansa.

Samantala, nakatakdang dumating ngayon sa NAIA ang labi ng 2 OFW na nasawi sa Amman, Jordan matapos sumabog ang tinanim na landmine sa boundary ng Jordan at Iraq.

Lulan ng Qatar Airways flight 646 ang labi nina Ponciano Loque at Benjie Carreon na lalapag bandang ala-1:13 ngayong hapon sa NAIA. (Ellen Fernando)

Show comments