Ito ang nakalap ng Embahada ng Pilipinas sa nabanggit na bansa matapos ang isinagawang pagbisita sa mga bilanggong Pinoy doon ng mga opisyal ng pamahalaan sa taunang pagdaraos ng Hari Raya Aidilfitri, ang araw at oras kung saan maaari lamang dalawin at bigyan ng makakain ang mga presong dayuhan na nakakulong sa Brunei.
Base sa ulat ni Ambassador Virginia Benavidez sa Department of Foreign Affairs (DFA), aabot sa 23 Pinoy sa Brunei ang kasalukuyang nakapiit, kabilang na ang 20 na nasa kulungang sakop ng Jerudong, habang tatlo naman sa Maraburong.
May apat na Pinoy naman ang nagsisilbi ng kanilang 20-taong pagkabilanggo at ang isa naman ay nasa kustodya ng bilangguan habang dinidinig ang kaso sa korte ng nabanggit na bansa.
Pansamantalang hindi naman ipinalabas ng DFA ang mga pangalan ng Pinoy na nakapiit maging ang mga kasong kriminal na kinasasangkutan nila.
Tiniyak naman ng DFA na ang mga detinidong OFWs ay nasa mabuting kalagayan dahil sumasailalim sa medical at dental check-up at maging ang mga pagkain ay nasa normal na kalagayan. (Ellen Fernando)