Ayon kay Commissioner Wilhelm Soriano, dapat na patunayan ng TMG na banta si Manzano kung kayat napilitan ang mga pulis na muli itong ratratin sa naganap na shootout sa Ortigas.
Aniya, sapat na ang kanilang hawak na ebidensiya na magsasabing rubout ang naganap at hindi shootout tulad ng iginigiit ni Chief Supt. Augusto Angcanan ng TMG. Gayunman, binibigyan pa nila ng pagkakataon ang TMG na isumite ang kanilang ebidensiya upang makumbinse sila na shootout ang nangyari.
Matatandaan na iginiit ni Soriano na batay sa PNP-Special Operations Procedure, dapat na dalhin sa ospital ang biktima at suspect na nasugatan upang mabigyan ng medical assistance.
Subalit ang regulasyong ito ay agad na kinontra ni Angcanan sa pagsasabing mas binigyan ng halaga ng kanyang pulis na muling paputukan si Manzano nang makita niya itong gumalaw. Si Manzano ay nagtamo na ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo bago pa man muling paputukan ng pulis.
Nagtataka rin si Soriano kung bakit naging banta si Manzano sa mga TMG police samantalang sa video ng UNTV at sa unang report ng pulisya, lumilitaw na walang baril sa Manzano na nakaupo sa likuran ng Nissan Exalta kasama sina Brian Dulay at Anton Cu-Unjieng.