Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, ang Pilipinas ay tumanggap ng mga papuri dahil sa isinusulong nitong kampanya laban sa terorismo na itinuturing ng mga bansang miyembro ng APEC na isang malaking sagabal sa pagsulong ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ang siyang chairman ng APEC Counter-Terrorism Task Force sa pamamagitan ni retired AFP Chief of Staff Benjamin Defensor.
Sa ginanap na APEC Summit, nagreport si Defensor na sa mga miyembrong bansa ng ASEAN, ang Pilipinas lang marahil ang may hindi magastos na kampanya kontra terorismo.
Ang Pangulong Arroyo sa kabilang dako ay nag-ulat sa pakikipagpulong ng 7 mga lider ng ASEAN kay US President George W. Bush hinggil sa patuloy na pag-atakeng militar laban sa Abu Sayyaf sa Mindanao.
"The accolade we received from world leaders for our most cost-effective anti-terror campaign puts the Philippines at the forefront of regional and global security," ani Bunye.
Ayon pa kay Bunye, nalantad sa natapos na APEC Summit ang kakayahan ng bansa sa pagsugpo sa banta ng terorismo sa kabila ng kawalan ng batas kontra sa terorista.
Kung mapagtibay anya ng Kongreso ang anti-terror bill, mas ibayo pang tagumpay ang aanihin ng bansa sa pagpuksa sa terorismo.
"Hence, we reiterate our appeal to our legislators to enact an anti-terrorism law soonest," ani Bunye.
Ang natapos na pulong ng APEC ay tumalakay din sa kampanya kontra avian flu at kalakalan.