"I decided to speak... today and to publicly apologize for the betrayal of trust that I have undertaken when I was the secretary of DSWD," pahayag ni Soliman sa mga nakiisa sa Citizens Congress for Truth and Accountability (CCTA) na ginanap sa Makati.
Si Soliman na dating Gabinete ni Pangulong Arroyo ay nagbitiw sa puwesto noong kasagsagan ng kontrobersiyal na Hello Garci tapes.
Sinabi ni Soliman na noong DSWD secretary pa siya ay namahagi ang gobyerno ng PhilHealth cards sa Pangasinan noong 2004 upang mapalakas umano ang kandidatura dito ni Arroyo. Ang lugar ay balwarte umano ng namayapang presidential candidate na si Fernando Poe, Jr.
Ayon kay Soliman, napagpasyahan niyang magsalita sa mga miyembro ng CCTA dahil dito lahat naipapahayag ng sinuman ang kanilang saloobin laban kay Pangulong Arroyo.
Ayon naman kay dating vice president Teofisto Guingona, head ng 15-member presidium ng CCTA, ang mga ebidensiya laban sa Pangulo ay pagsasamasamahin upang maipamahagi sa mga colleges, universities, NGOs at sa mga international groups tulad ng Amnesty International at United Nations. (Angie dela Cruz)