Ligtas naman ang lahat ng pasahero at crew ng British Aerospace (BAE-146) ng Asian Spirit flight 6K 587 na umalis ng Manila Domestic airport bandang alas-5:50 ng madaling araw patungong Samar.
Hindi umano nakontrol ng pilotong si Capt. Gomer Monreal ang mabilis ng takbo ng eroplano dahil sa tubig baha sa runway 06 kung kaya sumadsad at nasira ang landing gear sa unahan ng aircraft.
Nagawang imaniobra ni Monreal ang eroplano sa isang ligtas na lugar at naiwasan ang mas malubhang insidente.
Isang source naman sa Air Transportation Office (ATO) ang nagsabi na posibleng hindi muna paliparin ang katulad na modelo ng eroplano dahil na rin sa kalumaan nito hanggat hindi natitiyak ang airworthiness ng mga ito.
Nagpadala naman agad ng 3 miyembro ng Aircraft Accident Investigation Board si ATO head executive assistant Col. Manuel Villegas sa Catarman airport upang mag-imbestiga sa nasabing insidente. (Butch Quejada)