‘Pekeng Coup’ ikakasa

Inakusahan kahapon ni dating Defense Secretary Fortunato Abat si Pangulong Arroyo na may planong maglunsad ng pekeng kudeta upang makapagdeklara siya ng martial law at mapanatili ang posisyon sa pagiging one-woman-rule.

Sinabi ni Abat sa isang pulong-balitaan, may nakuha siyang impormasyon na ang pekeng kudeta ay ilulunsad pagkatapos ng Pasko.

"Today, I raise an alarm about a dire national threat that looms in the horizon. The threat, the very real possibility of the imposition of martial rule within an time-line of as short as a month," wika pa ni Abat sa press conference nito sa Manila Hotel.

Wika pa ng dating DND chief, mismong si National Security Adviser Norberto Gonzales ang nagsabi na mayroong magaganap na rebolusyon.

Sa opisyal na pahayag ni Abat ay nakasaad dito ang sinabi ni Sec. Gonzales na " A revolution from within may be expected. The government itself would lead the revolution to bring out national harmony in the midst of political crisis. The revolution would take place probably a month or two after Christmas holidays".

Ipinaliwanag ni Abat na ang interprestasyon nila dito ay malinaw na magsasagawa ng sariling kudeta ang administrasyong Arroyo tulad ng ginawa noong 1972 ni yumaong Pangulong Marcos.

Nagbabala si Abat na posibleng sumiklab ang ‘civil war’ laban sa administrasyon sa sandaling magdeklara ng martial law si PGMA.

Aniya, magsusulong naman ang kanilang grupo ng sariling Peoples Congress na babalangkas sa mga dispalinghadong batas na ipinatutupad sa bansa gaya ng Expanded Value Added Tax.

Aniya, ang sarili nilang bersyon ng Peoples Congress ay kahalintulad ng Malolos Congress noong 1896 ni Hen. Emilio Aguinaldo.

Tumanggi naman si Abat na magbigay ng pahayag kung susuportahan nila ang ilulunsad na kudeta dahil na rin may nakabinbin pa itong kasong sedisyon sa Department of Justice. (Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)

Show comments