Sinabi ni British Ambassador to the Philippines Peter Beckingham na kinukunsidera na ngayon ng maraming mga negosyanteng Briton ang paglagak ng negosyo sa Pilipinas dahil sa kaakit-akit na sistema ng pagnenegosyo sa bansa para sa mga dayuhan kumpara sa ibang bansa.
Tinukoy nito ang oportunidad sa pag-eexport ng mga electronic products, footwear, coconut products at garments sa United Kingdom.
Sinabi rin nito na nakikita niya ang pagdagsa ng higit sa 50,000 mga dayuhang Briton sa Pilipinas kada taon dahil sa pagka-akit ng mga ito sa mga diving spots at golf courses ng bansa.
Ikinatuwa naman ni Philippine Tourism Authority (PTA) general manager Robert Dean Barbers ang pahayag ni Beckingham dahil sa pagnanais ng ahensya na mapalakas pa ang turismo sa bansa kung saan iniaalok nito sa mga dayuhang negosyante para patakbuhin ang ilang mga tourist spots upang makaakit pa lalo ng mga turista. Kabilang dito ang ilang mga beaches, golf courses at mga hotels.
Bukod sa mga dayuhang turista, hinikayat rin ni Barbers ang mga Pilipinong turista na nasa mataas na level sa lipunan na unahin munang dayuhin ang mga tourist spots sa bansa bago magtungo sa ibang bansa. (Danilo Garcia)