Sa pinagsamang pahayag, sinabi nina Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina at Bacolod city Rep. Monico Puentevella na ituturing lamang ng taumbayan na isang pang-iingay ng oposisyon ang nasabing paglilitis hinggil umano sa mga kasalanan ni Ginang Arroyo dahil hindi naman magiging patas ang gagawing proseso at walang hustisyang makukuha ang sambayanan sa peoples court ng Citizens Congress for Truth and Accountability.
Hinikayat pa ng mga kongresista ang taumbayan at maging ang media na huwag nang magsayang ng oras at panahon sa panonood sa gagawing paglilitis.
Ang mga positibong kaganapan sa larangan ng ekonomiya ang dapat pinag-uusapan ng taumbayan dahil nagpapakita ito sa katatagan ng liderato ng gobyerno sa harap ng kaliwat kanang batikos na inabot nito sa kamay ng oposisyon.
Anila, pawang mga kritiko ni Pangulong Arroyo ang bubuo sa tinaguriang peoples court at walang saysay ang kalalabasan nito dahil tinuldukan na ng Kongreso ang mga inihaing reklamo laban kay Ginang Arroyo.
Ipinagdiinan din ni Puentevella na wala namang mahihita ang taumbayan sa isasagawang paglilitis umano, kundi gagamitin lamang ito ng oposisyon upang muling yurakan ang pagkatao at integridad ng Pangulo sa pamamagitan ng paglalabas ng mga may kinikilingang testigo at dokumento.
Umapela rin ito sa taumbayan na huwag bigyan-pansin ang gagawing paglilitis ng oposisyon dahil nais lamang ng mga ito na manatili ang kawalan ng katatagan sa larangan ng pulitika. (Malou Rongalerios)